* * *
TAGAPAGHATID sila ng balita, pero nu’ng Miyerkules ng tanghali, sina
Ces Drilon at
Korina Sanchez, bagong anchors ng
Bandila, primetime newscast ng ABS-CBN replacing Insider starting July 3, 10:30 p.m., ang napagitna sa balita.
Ang personal lives naman nila ang inurirat ng entertainment press for a change.
Ayon kay Ces, mas okay ang pamamalakad sa newsroom ng Dos ngayon under former CNN bureau chief Maria Ressa.
Kung dati-rati’y “snakepit” kung tawagin ang departamento ng News & Public Affairs, ngayo’y ibang-iba na raw ito.
Aniya, very effective ang ipinatutupad na merit system ng grupo ni Ressa dahil ang nabibigyan ng incentives ay ‘yung pawang nagsisipag at nagpupursige sa trabaho.
Nang tanungin kung wala na nga bang “bata-bata” system gaya ng hinaing ng ilang empleyado noon, mabilis pa sa alas-kuwatro itong sumang-ayon.
Walang gaanong ideya si Ces kung ba’t siya ang ni-retain nina Ressa sa primetime newscast at pinalit sina Korina at Henry Omaga-Diaz sa dating partner na si Dong Puno.
As far as she knows, ang naging ‘krimen’ lang ni Dong ay ang pagkakaroon ng intellectual image, isang bagay na sa palagay nina Ressa ay ’di maabot ng masang pinaglilingkuran.
Hindi naman daw siya nainsulto sa komentong ’yon, dahil para sa kanya, may kanya-kanya silang strengths and weaknesses.
“And image, whether it’s right or wrong. For example, ako, the way I dress sometimes gets in the way of how I’m perceived,” dagdag ni Ces.
Fashionista man daw siya, masang-masa pa rin off-camera. “I also do dirty work, pumupunta rin ako sa gitna ng mga balita,” katuwiran pa niya.
Tight-lipped nga lang si Ces pagdating sa failed marriage with artist Rock Drilon, anyway, minsan na raw nagpa-interview ang asawa tungkol dito.
As far as she is concerned, amicable ang naging paghihiwalay and they’ve remained as business partners hanggang ngayon.
’Yun nga lang, matigas ang declaration niyang wala nang reconciliation na mangyayari.
Apat ang anak, pulos lalaki, ni Ces kay Rock – isang 20 years old, isang 17, 16 at 13.
Almost 20 years din silang nagsama bilang mag-asawa.
As for Korina, two years din siyang nawala sa newscasting mula nang tsugihin bilang anchor ng TV Patrol.
Aminado siyang sumama ang loob nang sabihang she can no longer do the news. Pero mabilis din daw itong nawala nang i-take advantage ito as a welcome break at change para magawa ang mga bagay na gusto talagang gawin, gaya ng bumiyahe at magsulat.
Natural, human reaction ang nangyari, dahil lahat tayo’y resistant to change. At totally unplanned man ang pagbabalik sa Bandila, pag-aaralan pa rin niya itong isingit sa nakasanayan nang schedule and workload the past two years.
“Happy” si Korina sa private life at kahit senador ang boyfriend na si Mar Roxas, wala pa rin siyang balak na sumuong sa pulitika.
“Hindi mo naman natuturuan ang puso. Hindi mo rin mapipili kung sino ang mamahalin mo. And’yan na siya (sa pulitika)… at least, ’di kontrobersyal, siguro kasi, tahimik siyang tao,” depensa ni Korina, na talagang in love na in love kay Sen. Mar.
Pero in love man, ’di pa raw nila napag-uusapan ang pagpapakasal.
Aniya, “It’s better to be cautious than presumptuous. You can’t really tell what will happen tomorrow.”
Oo nga naman…
Sa ngayon, it’s enough that they are there for each other, although hindi raw siya nanghihingi ng advice sa bf pagdating sa trabaho, in the same way na ’di niya pinakikialaman ang pagkapulitiko nito.
“We hardly discuss politics,” susog pa ng blooming at beteranang broadcast journalist.
People's Tonight
6/30/2006 20:39 PMhttp://www.journal.com.ph/index.php?page=n...date=2006-06-30