Tickets sa concert ni Sarah malapit nang ma-sold out
NGAYON pa lang ay nakaaamoy na ng panibagong tagumpay si Viva Group
of Companies big boss Vic del Rosario dahil sa ulat na this early ay
halos sold out na ang tikets sa first major solo concert ng alagang
si Sarah Geronimo.
Sa September 30 pa gaganapin sa Araneta Coliseum ang matagal nang
pinapangarap na big concert ng dating Star for a Night champion, pero
kung matuluy-tuloy ang positibong projection ng mga nangangalaga sa
kanyang career, malamang na pag-usapan na nila ang tungkol sa
napipintong repeat nito.
Maging ang presscon na ginanap sa Marina resto kahapon ay blockbuster
din sa rami ng writers at editors na nag-attend.
Kasabay ng anunsyo tungkol sa The Other Side concert ng dalagita ay
pinarangalan din siya ng Viva Records executive na si Eugene Villaluz
ng double platinum record award para sa kanyang bagong CD album na
Sweet
Sarah Geronimo
Sixteen.
Natural, tuwang-tuwa ang young singer-actress sa bagong achievement
na ito sa kanyang career dahil sa panahon ng pamimirata, hirap nang
maka-gold man lang ang album ng ibang kapwa recording artist.
Samantala, exciting ang line-up ng special guests sa The Other Side
ni Sarah. Kabilang dito sina Piolo Pascual, Mark Bautista at ang
sinasabing latest crush ng singer na si taekwondo star Japoy Lizardo.
Of course, maaari bang mawala ang biggest idol ng dalaga sa showbiz
na si Regine Velasquez?
May special participation din sa concert ang host ng SFAN kahit pa
sabihing may kasabay din siyang performance sa gabing iyon.
Ang gagawin daw nito'y tatapusin muna ang sariling show bago tatakbo
sa Big Dome para bigyan ng suporta si Sarah sa pinaka-importanteng
gabi ng kanyang career.
Ngayon pa lang ay mixed emotions na ang nararamdaman ng dalaga nina
Mommy Divine at Daddy Delfin. Magkahalong excitement at kaba ang
naglalaro sa kanyang dibdib dala na rin ng pangyayaring napakalaki ng
expectations ng lahat sa kanya.
'Pag napuno niya ang 17,000-seater Big Dome, wala nang dudang made na
nga si Sarah sa edad niyang 17.
Siyanga pala, dapat sana'y birthday concert itong The Other Side
dahil nga nag-celebrate ang singer ng kanyang birthday only last July
25.
Pero dahil sa kanyang napaka-busy na schedule, gagahulin sila sa
preparasyon kapag ipinagpilitang idaos ang concert in time for her
birthday.
Anyway, habang papalapit ang performance date ay tumitindi raw ang
kaba ni Sarah. "Beginner pa lang po kasi ako, 'di kagaya ni Ms. Reg
(her pet name for Regine) na talagang hasa na sa pagpe-perform sa
malalaking venue gaya ng Araneta.
"Pero gagawin ko po talaga ang lahat para masiyahan ang mga manonood
ng show at susulitin namin ang ibabayad nila sa ticket," dugtong pa
nito.
Incidentally, si GB Sampedro, dating assistant director ng multi-
awarded na si Louie Ignacio, ang magha-handle ng The Other Side.
Para sa mga gustong humabol ng tickets, punta lang kayo sa SM
Ticketnet outlets o kaya'y sa Araneta Coliseum box-office. Ang ticket
prices are P1,500, P1,000, P500, P250 at
P150.