Paulo admits his status is 'single and complicated'
Published : Friday, October 25, 2013 00:00
Written by : Vinia Vivar
Finally, na-meet din namin ang batang magbibida sa Honesto, ang five-year-old na si Raikko Mateo na sobrang cute in person.
Taga-Zambales ang bagets at lumuwas lang ng Maynila nang makita ang announcement sa TV na may pa-audition ang ABS-CBN.
Kasama ang magulang ay four hours nagbiyahe si Raikko patungong Manila na eventually ay nasulit naman dahil sa dinami-rami ng batang nag-audition, siya ang napili para maging bida sa bagong serye ng Dreamscape Productions.
Ayon sa head ng Dreamscape na si Deo Endrinal, ang unang-unang naka-draw ng atensyon nila kay Raikko ay ang mga inosenteng mata nito.
Nang mapili na nga for Honesto, kaagad na ikinuha ng produksyon ng condo unit sa Manila si Raikko at ang pamilya nito since hindi naman puwedeng tuwing may taping, luluwas at bibiyahe ang bagets ng apat na oras.
Dito na rin sa Manila mag-aaral si Raikko kasabay ng pagsisimula ng bagong buhay para sa buong pamilya. Napakapalad ng bagets dahil imagine kung anong magandang kapalaran ang napasakanya ngayon. Bukod sa first soap niya, bida agad siya at sa primetime slot ipalalabas after TV Patrol simula sa Oct. 28.
Once na magsimula itong umere, parang nakikinita-kita na namin ang instant popularity na tatamasahin ng bagets.
* * *
Isa rin sa bida sa Honesto si Paulo Avelino bilang ama ni Honesto at marami ang nagulat sa kanya sa presscon dahil medyo nag-o-open-up na siya tungkol sa anak nila ni LJ Moreno.
Nang punahin ng entertainment press ang pagiging slightly vocal ni Paulo about his child, say niya, hindi naman siguro magandang tingnan kung hindi siya magiging tapat samantalang the show promotes honesty.
“But I never lied about it (his child). Hindi ko lang talaga gustong pag-usapan, pero bilang pambata ito, and hindi lang pambata, kundi para sa lahat ng age, parang isa sa pinakaimportanteng trait din na dapat matutunan ng bata, ako, gusto ko rin naman pong makita rin ako ng bata na may matutunan siyang magandang asal,” sabi ni Paulo.
Since tungkol sa pagiging katapatan nga ang kuwento ng serye, once and for all, natanong si Paulo kung ano ba talaga ang status niya ngayon.
May nagbiro na complicated since may movie rin siya sa Regal Films na ang titulo ay Status: It’s Complicated at ’yun nga rin ang isinagot ng aktor.
“My status is single and complicated,” nakangiti niyang sagot.
In fairness to Paulo, he seemed to be making up sa press. Nagpa-raffle siya ng cellphone after the presscon at take note, nag-stay siya ng matagal.
Talagang siya ang pinakahuling umalis sa presscon to the point na kakaunti na lang ang natitirang press.
Walang pagod siyang nagpa-interview sa lahat ng gustong kumausap sa kanya unlike before na bihira mo siyang ma-pin-down for an interview at napakaraming limitasyon sa questions.
Narinig din naming humihingi ng dispensa si Paulo sa isang kasamahan sa hanapbuhay for a mistake.
Sana, magtuluy-tuloy ang pagiging accommodating ni Paulo sa press para magtuluy-tuloy na ang magandang relasyon niya with them.