‘Little Champ,’ hari sa ratingsPosted by Online Balita on Mar 26th, 2013
NATUKLASAN namin sa presscon ng fantaseryeng Little Champ na kakaibang child star ang bidang si JB Agustin, hindi siya madaldal kaya kabaligtaran siya nina Zaijian Jaranilla, Mutya Orquia, Bugoy Cariño, Xyriel Manabat at iba pang child stars ng ABS-CBN.
JB AgustinPero mahiyain lang pala si JB kapag nasa gitna ng stage, dahil noong one-on-one interview na ay makuwento rin naman pala niya.
Ayon kay JB ay dumaan siya sa audition para sa papel na Caloy at sa tantiya niya ay isang daan silang mga batang sumali at siya ang pinalad.
“Kasi po umarte ako at magaling ako kaya ako napili. Magaling din po umarte ‘yung iba, pero bibo ako, eh,” may himig pagmamalaking sabi ng bagets.
Nag-iisang anak, pitong taong gulang, at Grade 2 na sa pasukan si JB. Sa isang grade school sa Fairview siya nag-aaral.
Ang mommy ni JB ang nakatutok sa kanya at ang daddy naman niya ay, “Siya po ang nagwo-work, liason officer po siya ng mga motor, tagalakad ng mga papeles ng motor tulad ng Kawasaki, Yamaha,” kuwento ng bagets.
Hindi na bago sa showbiz si JB dahil naging ekstra na siya, “Simula po nu’ng three years old ako, nag-ekstra na po ako sa Minsan Lang Kitang Iibigin, sa 100 Days to Heaven, pangatlo sa Wansapanataym, pang-apat sa commercial.
“Pero itong Little Champ po ang first bida ako, masayang-masaya po ako kasi kapag oras na ng Little Champ, wala na pong bata sa kalye namin kasi nanonood na lahat sa TV,” masayang kuwento ni JB.
Naniniwala ba siya na nagsasalita ang kabayo, tulad ng alaga niyang si Chalk sa Little Champ?
“Hindi po, kasi po istorya lang naman po ‘yun ni Chalk. Kasi po ang kabayo naman, iba ang sinasalita niya, hindi lang natin maintindihan, iba po siya, iba tayo kasi tao tayo,” bibong pangangatwiran ng batang aktor.
Ibinuking ni JB na napaiyak ang kanyang mommy nang sabihan sila na ipalalabas na finally ang Little Champ na umabot ng isang taon bago umere.
“’Yung mommy ko at lola ko po, umiyak at nagsigawan po. Kasi nu’ng tumawag po ‘yung manager ko at sinabing ipapalabas na, hindi po kami naniwala ‘tapos nu’ng ipinakita po sa TV ang Little Champ, doon na kami naniwala at nagsigawan nga po. Di ba, ‘My, umiyak ka? Ha-ha-ha!” sabay baling sa ina na nahiya tuloy.
May pangarap si JB na makatrabaho niya.
“Gusto ko po makasama sa project si Kuya Zaijian kasi artista siya saka po idol ko siya. Si Kuya Maliksi (Morales) din kasi ang galing niyang mag-voice-voice. Si Kuya Coco (Martin) din po kasi idol ko rin siya.”
Bakit siya nag-artista?
“Kasi para mapanood po ako ng mga kamag-anak ko, mga guro ko, mga kaibigan ko sa TV, pamilya ko.”
Sino ang crush niya?
“Eee, hanga lang po, ha? Si Mutya po, kasi magaling siyang umarte at ang ganda po niya. Hindi ko pa siya nakikita, si Xyriel lang po,” nahihiyang sagot ng bagets.
Bakit si Mutya ang hinahangaan niya at hindi si Xyriel?
“Mas cute po si Mutya kaysa kay Xyriel,” napangiting sabi.
Sa tingin ba niya, sikat siya ngayon?
“Opo, parang dito mag-uumpisa sa Little Champ,” mabilis na sagot.
O, di ba, Bossing DMB, marunong sumagot ang bagets.
Totoo naman kasi, dahil naghari agad sa timeslot nito ang Little Champ. Inilalampaso nito ang ratings ng katapat na koreanovela na Smile Donghae; 17% versus 10.6%) (noong Lunes, Marso 18), 17.1% vs 9.6% (Marso 19), 16.5% vs 9.8% (Marso 20), at 19.5% vs 11% (Marso 21).
Kasama ni JB sa Little Champ sina Sen. Lito Lapid, Jhong Hilario, Lara Quigaman, Jake Roxas, Sofia Millares, at iba pa.—Reggee Bonoan