

Carlo, type ang kadaldalan ni Maja!
Rey Pumaloy
Mistula ngang ikinumpara ni Carlo Aquino ang ex-girlfriend niyang si Angelica Panganiban, sa mahal niya ngayon na si Maja Salvador. Sabi ni Carlo, ang pagiging masayahin at madaldal ni Maja ang nagustuhan niya, na malayo kay Angelica, dahil tahimik daw ang huli.
Sabi namin kay Carlo, posibleng magalit sa kanya ang ex-girlfriend niya, dahil ikinukumpara niya ito kay Maja.
“Eh, tinanong kasi ako ng mga reporters kung ano ang nagustuhan ko kay Maja at kung ano rin ang personality ni Angelica. Sinabi ko lang naman na masayahin at madaldal si Maja at tahimik si Angelica.
“Sabi naman ng mga reporters, hindi raw `yon pagkukumpara, kaya nagsalita ako. Sana lang, huwag mag-react si Angelica. Sana maintindihan niya ako,” sabi ni Carlo.
Anyway, halatang enjoy na enjoy si Carlo kay Maja. Panay nga ang kuwento niya sa mga bagay at ugali na nagugustuhan niya sa dalaga.
“Marami kasi siyang kuwento. Palagi siyang masaya, kahit sino ang kaharap niya. Mapagbiro rin siya.
“Nakakatuwa siya, kasi kahit 20 na tao ang kausap niya na sabay-sabay, nai-entertain niya lahat. At mahilig siyang magtanong.
“Sabi ko nga, bagay kami dahil tahimik ako at madaldal siya,” nakangiting kuwento ni Carlo.
Sa ngayon, wala raw siyang nakikita na puwedeng maging problema nila ni Maja. At mabait din daw ang pamilya ni Maja sa kanya.
“Naipakilala ko na rin siya sa family ko at gusto siya. Pero, hindi ko pa puwedeng ligawan si Maja, dahil alam kong hindi pa papayag ang mommy niya.
“Willing naman akong maghintay.”
Anyway, wala pa raw siyang naiisip na iregalo kay Maja sa Araw ng mga Puso. Hindi pa raw niya alam kung ano ang gusto ni Maja.
http://www.abante.com.ph/issue/jan2708/ent_other02.htm