Ejay Falcon, pinauupahan ang condo na napanalunan?!
Written by Tita Swarding
August 22, 2008
NAKAHARAP AT NA-INTERVIEW ko ang Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition 2 na si Ejay Falcon, kasama ang kanyang mabait na manager. Binisita nila ako sa aking programa sa DZRH. Akala ko kung sino ang pinagkakaguluhan sa labas, ‘yun pala, ang PBBTE2 Big Winner.
Sa aking interview kay Ejay, buong-tapang niyang sinagot ang lahat ng gustong malaman ng mga tagahanga ng bagets. Malaking ‘opo’ ang isinagot ni Ejay nang sabihin niyang siya nga ay isang ampon. Ngunit bless daw siya dahil pinalaki siya nang maayos ng kanyang mga magulang.
Super busy ang 6`1 na si Ejay, na sa murang edad, marunong nang tumanaw ng pasasalamat sa lahat ng kanyang mga tagahanga at sa lahat daw ng bomoto sa kanya nu’ng kasagsagan ng Big Night. Hindi raw niya inakala na siya ang mananalo.
Ngunit may mga bulung-bulungan na nainggit daw itong si Ejay kay Robi Domingo na kasama sa My Girl nina Kim Chui at Gerald Anderson. Pero, okey lang daw sa kanya. Nasa pukpukan ng pagwo-workshop umano ang bagets ngayon sa ilalim ng pamamahala ng ABS-CBN. May mga project na naka-line up sa kanya.
Nang tanungin ko kung nakuha na ba niya ang kanyang condo na napanalunan, "Opo, nakuha ko na po, pero hindi po ako nakatira roon.” Balak pala ng bagets na paupahan ang kanyang condo na napanalunan sa PBBTE2 para may dagdag siyang income.
Mariing itinanggi ni Ejay ang tsismis na dati raw siyang callboy. Natawa na lang siya. Alam daw niya sa sarili na hindi niya ginawa ‘yun, at alam niya na pinalaki raw siya ng magulang niya at hindi pinabayaan. Diyos na lang daw ang bahala sa mga taong mahilig daw manira, sabi ng bagets. Nakakaloka talaga!
Nang matanong ko kung may nagbago ba sa kanya simula nang manalo siya, "Sa sarili po wala, pero sa buhay meron po."
Tahimik itong si Ejay, pero sa maganda niyang katawan at mala-posteng height, naku mga kyufatid, mag-titilam-tilam kayo. ‘Yun na!