

Richard at KC, nag-date sa concert ni Lea!
PINANOOD namin noong Huwebes nang gabi ang dress rehearsal ng Lea, My Life...On Stage, ang two-night 30th anniversary concert ni Lea Salonga sa PICC Plenary Hall.
Naabutan namin sa entrance ng Plenary Hall ang mahabang pila ng manonood (family friends at mga empleyado ng mga sponsor ng concert) na inimbitahan para panoorin ang dress rehearsal.
Maaga kaming dumating sa Plenary Hall kaya naabutan pa namin ang rehearsal ni Lea at ng kanyang special guest na si Aga Muhlach.
Kabadong-kabado si Aga sa rehearsal pero sa actual performance, pinalakpakan siya ng audience at binigyan ng standing ovation pagkatapos nilang kantahin ni Lea ang Sana Maulit Muli.
***
Si Freddie Santos ang direktor ng concert at bago nag-umpisa ang dress rehearsal, humingi siya ng paumanhin sa anumang technical problems na puwedeng mangyari.
Nabanggit din ni Freddie na ang anniversary concert ni Lea ang kauna-unahan na gumamit ng tatlong video curtain mula sa China.
Maikukumpara sa isang musical play ang show ni Lea. Well-applauded ng audience ang kanyang mga kanta gaya ng Tomorrow, Rainbow Connection, If You're Not Here ng Menudu, Bakit Labis Kitang Mahal, A Whole New World, Reflections at ang mga awit mula sa Miss Saigon, Les Miserables, My Fair Lady at The Flower Drum Song.
Ipinarinig din ni Lea ang isang kanta mula sa Cinderella, ang musical play na pagbibidahan niya at mag-uumpisa sa July 2008.
Magkasamang nanood ng dress rehearsal ng show ni Lea sina KC Concepcion at Richard Gutierrez. Big fan ni Lea si KC kaya hindi nito pinalampas ang pagkakataon na panoorin ang anniversary concert ng kanyang hinahangaan na aktres.
Pagkatapos ng dress rehearsal, pumunta sa back stage sina KC at Richard para personal na i-congratulate si Lea na hindi nagbago ang timbre ng boses, kahit dalawang oras na nakababad sa stage.
http://www.abante.com.ph/issue/may2408/ent_jg.htm